ILANG GABAY SA PAGTULA
Ni Emmanuel Dumlao
3rd Place (Tula), 2006 Palanca Awards
I. PAG-ARUGA SA MALIKHAING SARILI
Isa sa mga exercises na ginagawa natin sa mga writers' groups sa UPLB ay ang tinatawag na free writing – isang tuloy-tuloy na pagsulat ng kung ano ang maisip at maramdaman sa loob ng pinagkasunduang panahon (madalas 10 minuto). Wala itong editing, walang sinusunod na rules of grammar, at walang censorship; basta ang mahalaga ay malayang maisulat ang iniisip o nararamdaman. Kadalasan ginagawa ito sa tulong ng isang writing prompt – isang quotation, dialogue, o linya sa tula o kahit anong puwedeng pangiliti sa imahinasyon. Halimbawa: `Sa libingan ng maliit ang malaki ay may libangan.'
Sa ganitong paraan, kumokonekta tayo o tumitibay ang ating uganayan sa ating malikhaing sarili. Kailangan natin ito bilang mga artists; isang paraan ito ng pagpapahusay ng ating sining. Isang paraan ito ng pagbalanse sa ating sarili na mas madalas kaysa hindi ay dominado ng kaliwang utak – rason, lohika, isip. Sa pamamagitan nito, nabibigyang puwang ang ating kanang utak, ang responsable sa sining, samga imahen, sa emosyon.
Ano ang gamit nito sa ating pagtula?
May isa akong free writing exercise na sinulat ko sa loob ng 15 minuto. Nakakawalong tula na ako mula rito at hindi pa ubos ang mga imahen at konsepto para sa mas marami pang tula. Meron din akong mga ginawang konting editing na lamang ay pinal nang tula. Sa madaling salita, ang ganitong exercise ay paghukay sa bukal ng ating pagkamalikhain.
Sa sandaling panahon ng pananahimik at pakikipag-usap sa ating sarili, nagagawa nating kaunin at padaluyin ang mga imahe, emosyon, kaisipang binabansot ng ating pagkukumahog sa araw-araw.
Kapag maglalaan tayo ng kahit 15 minuto lamang araw-araw para pakinggan ang ating sarili, walang mawawala sa atin kundi ang mga agiw at kuyagot na bumabara sa malayang pagdaloy ng ating pagkamalikhain.
II. ILARAWAN, HUWAG SABIHIN (SHOW, DON’T TELL)
Walang iisang pamantayan ang kagandahan, walang may monopolyo kung ano ang maganda o epektibong tula. Ang tugmang humahalina sa akin ay maaaring magpangilo sa iba. Ang mensaheng nagpapalutang sa iyong diwa ay maaari namang magdagan ng halobalak sa aking dibdib.
Gayonman, may mga best practices sa larangan ng pagtula na puwede nating maging huwaran. Isa rito ang nakapaloob sa dictum na `show don't tell' o ilarawan huwagsabihin. Hindi ito absolute pero batayang alituntunin sa pagtula. Bakit? Ang taong bumabasa ng tula ay may limang pandamdam:mata, tainga, ilong, dila, at balat. Pero kadalasan, iniisnab natin ang mga ito. Isang dahilan nito ang pagkahirati natin sa mga abstraktong pagpapahayag o adiksyon sa pang-uri. Mas madali kasing magsabi kaysa maglarawan.
Halimbawa, andali-daling sabihing maganda, madilim, nakakatakot, maginaw, karimlan, lagim, atbp. Pero may dating ba ang ganitong mga salita? Madalas wala. Kaya ang hamon ay ilarawan: ipakita, ipalasa, ipaamoy, ipadinig, iparamdam.
Halimbawa, sa halip na sabihing `kayganda ng buwan kagabi', mas may dating kung `bangkang gumagaod ang buwan sa dagat ng dilim'. Kongkreto ang mga salitang bangka, buwan, dagat, at dilim at nakakakita tayo ng aksyon sa salitang gumagaod. Sa ganito, mas yumayaman ang kahulugan ng ipinapahayag.
Ano ang batayang alituntunin? Iwasan hangga't maaari ang mga abstraktong salitang mas magiging makabuluhan kung gagawing kongkreto. Sa madaling sabi, pag-isipan nang makailang beses kung gagamit ng pang-uri, pang-abay o abstraktong pangngalan. Gamitin lamang ang mga ito kung kailan kailangang-kailangan. Mas mayaman at mas may dating ang mga kongkretong pangngalan at pandiwa.
Tingnan ang sumusunod na saknong mula sa `Kung tuyo na ang luha mo' ni AV Hernandez:
Lumuha ka habang sila ay palalong nagdiriwang,
sa libingan ng maliit ang malaki ay may libangan;
katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
tumataghoy kung paslangin; tumatangis kung pahirapan.
(Pansinin na bukod sa tunog ay gumamit din ng contrast ang awtor (maliit vs malaki, libingan vs libangan). Nariyan din ang paralelismo ng konstruksyon ng mga linya (katulad mo...; tumataghoy...tumatangis...)
III. TUNOG
May sukat at tugma man o malayang taludturan, napakahalaga ng tunog sa tula. Pakinggan halimbawa ang liyab ng damdamin sa paulit-ulit na tunog ng letrang `l' sa kasisiping saknong. Napakayaman ng wikang Filipino sa mga salitang ang tunog aynaglalarawan ng bagay na kanilang pinatutungkulan. Halimbawa, sagitsit (halos marinig mo ang sagitsit ng mantika sa mainit na kawali); lagaslas (halos marinig mo angpagbagsak ng talon); lagablab (halos makita at marinig ang liyab ng apoy) at marami pang katulad na mga salita.
Ang mahusay na paggamit at kombinasyon ng tunog ng mga salita ay nakakatulong sa paglikha ng epektibong tula. May mga tunog na nagpapahayag ng gaan ng damdamin, ngbigat ng kalooban at ang ganito ay hindi tsambahan – idinedisenyo ito ng makata. At makakamit ito hindi lamang sa pagtutugma ng huling pantig ng bawat linya. Madalas na ang tugmaang ganito ay nakakabagot; kaya ang ang ginagawa ng iba ay umiimbento sila ng ibang pattern. Sa halip na aaaa halimbawa, puwedeng ang tugmaan ay aabb:
Bawat kalabit, bawat panginginig
ng kuwerdas, ng mga daliri at tinig,
may mga alikabok na nalalaglag,
may mga alaalang naglalagalag
–o kaya nama'y abab:
Nagsitakas na sa pandinig matitinis na hagikhikang
kalaro ng tulirong isip at kasiping ng pagal na dibdib,
wala nang makikipagsayaw sa tanglaw ng bitui't buwan
wala na, wala nang iindak sa tugtog ng mga kuliglig.
Syempre may mga tula namang wala na talagang tugmaan pero nasa loob naman ang disenyo ng tunog sa pamamagitan ng aliterasyon. Tingnan ang mga nakatagilid na salita o pantig sa sumusunod na saknong:
Isang kisap ang buhay at kulang upang kuyumin
ang ligaya't ligalig ng ating pag-ibig;
ngunit ano nga ba ang walang-hanggan
kundi pagsasamang-wagas
na may wakas.
IV. LOHIKA, CONSISTENCY, KAISAHAN
May sariling uniberso o daigdig ang bawat tula at bawat daigdig na ito ay may sariling lohika o batas ng ugnayan ang mga imahe, kaisipan, kilos. Halimbawa, kung ang sentral na imahe ng tula ay bulaklak, lohikal lamang na magkaroon ng imahe ng dahon, tinik, lupa, sikat ng araw, hamog. Pag nakakita tayo ng kalawang sa ganitong daigdig, medyo nababalaho tayo. Maliban kung ang bulaklak na tinutukoy natin ay nasa gilid ng bakod na may alambre. Kung hindi, puwede nating sabihing nawawalan ng kaisahan ang tula. Pero syempre hindi absolute ang ganito. Maraming tula, magagandang tula, na nagsasalimbayan ang mga imahe tulad halimabawa ng mga tula ni Pablo Neruda. Maaaring ang magtakda ng consistency at lohika ay ang tema. Halimbawa, kung tungkol sa lungkot ang tula, maaari itong ipahayag sa pamamagitan ng mga sumusunod na imahe: sagwan na palutang-lutang sa dagat, gulanit na lambat, ulilang tarangkahan, kalawanging tadyang ng payong. Puwedeng pagsama-samahin ang mga ito, diskartehan na lamang ang disenyo o pagkakahanay ng mga imahe.
Pero para sa mga nagsisimula, mainam na magtuon muna sa isang mundo, isang fokus. Sa ganito, mas madaling madidiskartehan ang pagpili ng pinakaangkop na salita nang may masinop na konsiderasyon sa tunog at bilang ng pantig nito. Makakatulong ito para madebelop ang kakayahan natin na magkaroon ng kaisahan ang mensahe, porma, mga salita, imahe, at tunog ng tula. Halimbawa, hindi sapat na mensahe lamang ang magtaglay ng damdaming malungkot sa isang tula tungkol sa lungkot. Kailangang nagtutulong- tulong ang imahe, ang pantig, at tunog ng mga salita sa pagpapahayag ng ganitong damdamin.
Halimabawa:
Pangungulila
Kagabi,
sa pusod ng dilim,
isa akongulilang sagwan,
kinukutibng mga alon
sa gitna ng laot.
Nakatingala
sa kulay kalabaw
na langit,
nakamasid
sa mga pundidong bituin,
habang sunung-sunong
ang unti-unting natutunaw
na buwan.
------------------------------------------------------
This material was distributed to Pinoypoets members

No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.